Pág-ibig Sa Tinubuang Lupâ

(Andres Bonifacio 'aka' Agapito Bagumbayan)


Alíng págibig pa ang híhigít kayâ,
sa pagkádalisay at pagkádakila,
gaya ng págibig sa tinubuang lupà?
Alíng págibig pâ? Walâ na ngâ, walâ!

Ulít-ulitin mang basahin ng isip,
at isá-isahíng talástasíng pilit,
ang salitâ’t búhay na limbag at titik,
ng ‘sáng katauhan itó’y namámasíd.

Banál na págibig pág ikáw ang nukál,
sa tapát na pusò ng sino’t alínman,
imbî’t taong gubat, maralita’t mangmang,
nagiging dakila at iginagalang.

Págpupuring lubós ang nagiging hangad,
sa bayan ng taong may dangál na ingat,
umawit, tumulâ, kumathâ’t sumulat,
kalakhán din nilá’y isinísiwalat.

Waláng mahalagáng hindî iníhandóg,
ng púsong nágmahal sa baya’y nágkupkóp,
dugô, yaman, dunong, katíisa’t pagod,
buhay ma’y abutíng magkálagót-lagót.

Bakit? Anó itóng sákdalan ang lakî,
na hináhandugán ng buóng pág kasî,
na sa lalong mahál nakapángyayarî,
at ginúgugúlan ng buhay na iwì.

Ay! Itó’y ang Ináng Bayang tinúbuan,
siyá’y iná’t tangî na kinámulatan,
ng kawilí-wiling liwanag ng araw,
na nágbigay init sa lunóng katawán.

Sa kanyá’y utang ang unang págtanggáp,
ng simoy ng hanging nagbíbigáy lunas,
sa inís na pusò na sísingháp-singháp,
sa balóng malalim ng siphayo’t hirap.

Kalakip din nitó’y pág-ibig sa Bayan,
ang lahát ng lalong sa gunitâ’y mahál,
mulâ sa masayá’t gasóng kásanggulán,
hanggáng sa katawán ay mapasá-libingan.

Ang nangákaraang panahon ng aliw,
ang ináasahang araw na darating,
ng pagká-timawâ ng mga alipin,
liban pa ba bayan, aming tátanghalin?

At ang balang kahoy at ang balang sangâ,
na parang niyá’t gubat na káaya-aya,
sukat ang makità’t sa alá-ala,
ang iná’t ang giliw na lampas sa sayá.

Tubig niyáng malinaw sa anakî’y bulóg,
bukál sa batisang nágkalat sa bundók,
malambot na huni ng matuling agos,
na nakaká aliw sa púsong may lungkot.

Sa abâ ng abáng mawalay sa Bayan,
gunitâ ma’y laging sakbibî ng lumbay,
waláng alá-ala’t ináasám-asám,
kundî ang makità’ng lupang tinubuan.

Patî na’ng mágdusa’t sampúng kamatayan,
warì ay masaráp nang dahil sa bayan,
at lalong mághirap, ó himaláng bagay,
lalong pág-irog pa ang sa kanya’y alay.

Kung ang bayang ito ay nasa panganib,
at siyá ay dapat na ipág-tangkilik,
ang anák, asawa, magulang, kapatíd,
isáng tawag niyá’y tátalikdáng pilit.

Datapwâ kung bayan ng ká-Tagalugan,
nilálapastangan at niyú-yurakan,
katwiran, purî niyá’t angkíng kamahalan,
ang samâ ng lilo, nitóng abáng bayan.

Dî gaano kayâ ang paghí-hinagpís,
ng púsong Tagalog sa puring nálait,
alíng kaloobán na lalong tahimik,
ang dî púpukawin sa paghíhimagsik?

Saán magbúbuhat itóng paghíhinay,
sa paghíhigantî’t gumugol ng buhay,
kung walâ ring ibá na kasásadlakán,
kundî ang lugamì sa káalipinan?

Kung ang pagká-baón niyá’t pagká-busabos,
sa lusák ng daya’t tunay na pág-ayop,
supíl ng páng-hampás tanikalang gapós,
at luhà na lamang ang pinaá-agos.

Sa kanyáng anyo’y sino ang tútunghay,
na dî-áakayin sa gawáng mágdamdam,
púsong naglílipák sa pagká-súkaban,
na hindî gumugol ng dugô at buhay.

Mangyari kayáng itó ay másulyap,
ng mga Tagalog at hindî lumingap,
sa naghîhingalóng Ináng nasá yapák,
ng kasuklám-suklám na Castilang hamak.

Nasaán ang dangál ng mga Tagalog,
nasaán ang dugóng dapat na íbuhos?
bayan ay inapî, bakit dî kumilos?
at natítilihang itó’y mapánuod.

Hayo na nga kayó, kayóng nangá buhay,
sa pág-asang lubós na kagínhawahan,
at waláng tinamó kundî kapáitan,
kaya nga’t ibígin ang náabáng bayan.

Kayóng antayan na ng mga pasakit,
ng dakilang hangád sa batis ng dibdib,
muling pabálungi’t tunay na pág-ibig,
kusang ibúlalás sa bayang piniít.

Kayóng nálagasan ng bunga’t bulaklak,
kahoy niyaring buhay na nilantá’t sukat,
ng balá-balakit makapál na hirap,
muling manariwa’t sa baya’y lumiyag.

Kayóng mga púsong kusang inúusál,
ng dayà at bagsík ng ganid na asal,
ngayon ay magbangon at baya’y itanghál,
agawin sa kukô ng mga súkaban.

Kayóng mga dukháng waláng tanging sikap,
kundî ang mabuhay sa dalita’t hirap,
ampunin ang bayan kung nasa ay lunas,
sapagkat ginhawa niya ay sa lahat.

Ipáhandóg-handóg ang buóng pág-ibig,
hanggáng sa ang dugô’y lúbusang itangis,
kung sa pagtá-tanggól, buhay ay mapatíd,
itó’y kapalaran at tunay na langit.